dzme1530.ph

Pakikipagtulungan sa ibang bansa para sa pakikipaglaban sa West Philippine Sea, dapat paigtingin

Hinimok ng ilang senador ang gobyerno na paigtingin pa lalo ang pakikipagtulungan sa mga bansang kaalyado sa pakikipagpalaban para sa West Philippine Sea.

Kasabay ito ng pagkondena ng mga senador sa panibagong pambobomba ng water cannon ng Chinese Coast Guard sa mga barko ng Pilipinas.

Sinabi ni Senador Grace Poe na malinaw na paglabag sa international law ang international attack at hindi anya dapat umatras ang bansa sa pagbibigay proteksyon sa ating teritoryo lalo na’t may suporta tayo ng like-minded allies.

Umaasa naman si Senador Francis Tolentino na mananatiling nagkakaisa international community sa pagkondena sa mga harassment sa bahagi ng teritoryo.

Iginiit naman ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na dapat sumunod ang China sa mga batas internasyonal sa ilalim ng UNCLOS at itigil na nito ang ilegal na pagpasok sa mga Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.

Ipinaalala ni Villanueva na kahit gaano pa karaming armas o kalaki ang mga barkong iharang ng China, hindi magbabago ang katotohanan na ang pilit nilang inaagaw na teritoryo ay sa mga Pilipino.

Inirekomenda naman ni Senador Jinggoy Estrada ang pagkakaroon ng dialogue sa pagitan ng dalawang bansa kasabay ng apela sa Chinese government na irespeto ang international law at tigilan ang mga aktibidad na nakakaapekto sa kapayapaan at seguridad sa rehiyon. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author