dzme1530.ph

US at EU Ambassador, ikinabahala ang pinakabagong pag-atake ng China Coast Guard sa Philippine vessels sa WPS

Ikinabahala ng Estados Unidos at European Union (EU) ang pinakabagong pag-atake na ginawa ng China Coast Guard (CCG) laban sa mga barko ng Pilipinas habang nagsasagawa ng Regular Rotation and Resupply (RORE) Mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.

Sa X (dating Twitter), sinabi ni US Ambassador to the Philippines Marykay Carlson na mariing kino-kondena ng Amerika ang paulit-ulit na iligal at mapanganib na aksyon ng China laban sa mga barko ng Pilipinas, kabilang na ang pagharang sa resupply mission sa Sierra Madre kahapon ng umaga.

Sa post din sa X, binigyang diin ni EU Ambassador to the Philippines Luc Veron na isang valuable framework ang 2016 UNCLOS Tribunal Award at hindi lehitimong alternatibo ang paggamit ng water cannons at mapanganib na sea manuevers.

Muling binomba ng tubig ng CCG ang Philippine vessels sa kalagitnaan ng misyon patungong BRP Sierra Madre na nagresulta sa pagkasira ng makina ng isang barko ng Pilipinas. —sa panulat ni Lea Soriano

About The Author