Hindi titiklop ang Pilipinas sa kabila ng magkakasunod na panghaharas ng China sa Filipino vessels sa West Philippine Sea nitong nagdaang weekend.
Ito ang tiniyak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kasunod ng pagbomba ng tubig ng Chinese vessels sa mga barko ng B-FAR sa Ayungin Shoal, at pagpalibot at pagbuntot sa napurnadang Christmas convoy ng “Atin Ito Coalition”.
Ayon sa Pangulo, ang agresibong aksyon ng Chinese Coast Guard at Chinese Maritime Militia ay lalo lamang nagpatindi sa determinasyon ng bansa na ipagtanggol ang soberanya, sovereign rights, at jurisdiction sa WPS.
Iginiit pa ni Marcos na ang iligal na presensya at mapanganib na mga aksyon sa karagatan ay lantarang pagbaboy sa rules-based international order.
Ipina-alala ng pangulo na ang Ayungin Shoal ay bahagi ng Philippine Exclusive Economic Zone, at ang anumang foreign claim dito ay walang batayan at labag sa International Law. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News