Kinumpirma ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel na pinangalanan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ilan sa mga pinaghihinalaang agricultural smugglers.
Sinabi ni Tiu na tuloy-tuloy ang imbestigasyon ng binuo nilang intelligence at enforcement unit laban sa mga smugglers na target nilang kasuhan sa unang quarter ng susunod na taon.
Ito ay nang igiit ni Senador Grace Poe na dapat may masampolan nang smuggler sa bansa para masabing totoong may ngipin ang ating batas.
Sa pagharap pa ng kalihim sa Commission on Appointments, sinabi nito na prayoridad niyang pagtugon sa bilin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na linisin ang D.A., habulin ang mga smugglers at pataasin ang food production.
Itinuturing din niyang malaking hamon sa kanya ang mga problema sa agrikultura kung saan niya gagamitin ang kanyang mga karanasan at kakayahan upang maresolba ang mga ito.
Inihayag din ng kalihim na hihilingin nila ang tulong ng national at international law enforcers sa pagsawata sa food hoarders, price manipulators, at smugglers. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News