Isang resolusyon ang inihain sa Kamara para hikayatin ang National Telecommunication Commission (NTC) na suspendihin ang operasyon ng Sonshine Media Network Inc. (SMNI).
Ang House Resolution 1499 ni PBA Partylist Rep. Margarita Mig Nograles ay nagsasabi na maraming paglabag sa “terms and conditions” ng SMNI franchise sa ilalim ng R.A. 11422 ang kanilang nasilip.
Malinaw aniya salig sa Section 4 ng R.A. 11422 na mandato ng SMNI na hindi payagan na maiere sa kanilang estasyon ang pagpapakalat ng false information, may balance programming, isulong ang public participation, at sumunod sa etika ng tamang negosyo.
Sa mga panuntunang ito, bigo umano ang SMNI na gampanan ang kanilang responsibilidad, kaya iniimbestigahan ito ng Kamara.
Sinabi ni Nograles na habang wala pa ang rekomendasyon ng House Committee on Legislative Franchises ukol sa mga paglabag ng SMNI, tungkulin ng NTC na kumilos agad. —ulat mula kay Ed Sarto, DZME News