dzme1530.ph

NSC, duda pa sa pag-ako ng ISIS sa pambobomba sa Mindanao State University sa Marawi

Hindi agad-agad naniniwala ang mga otoridad na Islamic State o ISIS ang nasa likod ng pagpapasabog sa gymnasium sa Mindanao State University sa Marawi City na ikinamatay ng 4 at ikinasugat ng hindi bababa sa 50 katao noong linggo.

Ito ay hangga’t hindi beripikado ang impormasyon, at kahit sinabi mismo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na kagagawan ng mga dayuhang terorista ang karumal-dumal na pambobomba na naganap sa gitna ng misa.

Ipinaliwanag ni National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya na may ugali kasi ang isis na akuin ang mga pag-atake kahit hindi naman sila ang may kagagawan.

Sa ngayon aniya ay bini-beripika pa kung ISIS-inspired o ISIS mismo ang nasa likod ng malagim na pagbobomba sa pamamagitan ng kanilang local counterparts.

Marami ring tinitingnang anggulo ang mga otoridad sa pambobomba, kabilang na ang paghihiganti, dahil pagpasok ng Disyembre ay sunod-sunod na napatay sa operasyon ng militar ang tatlong matataas na lider ng Dawlah Islamiyah, Abu Sayaff Group, at Maute Group. —sa panulat ni Lea Soriano

About The Author