Upang tugunan ang mga bago at nagpapatuloy na mga hamong kinakaharap ng mga public school teachers, naghain si Senador Win Gatchalian ng panukalang batas na layong amyendahan ang Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670) na naisabatas 57 taon na ang nakalipas.
Maraming panukalang pagbabago ang nilalaman ng ‘Revised Magna Carta for Public School Teachers’ (Senate Bill No. 2493) upang matiyak na naitataguyod, nabibigyan ng proteksyon, at nirerespeto ang karapatan at kapakanan ng mga guro sa mga pampublikong paaralan.
Kabilang sa mga isinusulong na mga pagbabago ang pagbibigay ng calamity leave, mga educational benefits, at longevity pay; mga kondisyon sa pagbibigay ng special hardship allowance; mas maayos na criteria pagdating sa sahod; proteksyon ng mga guro mula sa mga out-of-pocket expenses; at iba pa. Iminumungkahi rin ni Gatchalian na ipantay ang mga sahod, benepisyo, at work condition ng mga probationary teachers sa entry-level teachers.
Nakasaad din sa panukalang batas na babawasan ang oras ng pagtuturo ng mga public school teachers sa apat mula anim.
Ngunit sa mga pagkakataong kinakailangan, maaaring magtrabaho nang hanggang walong oras ang mga guro at makakatanggap sila ng dagdag na omentong magiging katumbas ng kanilang regular na sahod at may dagdag na 25% ng kanilang basic pay. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News