Sa halip na SOGIE Equality Bill na nakatutok sa isang sektor, iginiit ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang pangangailang mas isulong ang isang komprehensibo at inclusive na anti-discrimination measure.
Sinabi ni Villanueva na bagamat mahalaga ang layunin ng SOGIE Equality bill, higit na kailangang labanan ang pagkakaroon ng diskriminasyon sa iba’t ibang kadahilanan tulad ng edad, disability at ethnicity.
Ginawa ni Villanueva ang pahayag sa gitna ng muling panawagan para sa pagpasa ng SOGIE Equality bill.
Inaakusahan din si Villanueva ng ilang mga supporter ng panukala na siyang dahilan ng pagkaantala ng pagpasa nito.
Matatandaang sa budget deliberation sa Senado, sinabon ng mga senador ang Commission on Human Rights (CHR) matapos ipakita pagprisenta ni Villanueva ng isang video clip ni Atty. Krissi Shaffina Twyla Rubin na nanawagan kay Villanueva na pakinggan ang boses ng LGBTQIA+ community.
Sinuportahan nina Senators Jinggoy Estrada at Alan Peter Cayetano si Villanueva sa kanyang adhikain.
Sinabi ni Cayetano na ang pagsalungat sa SOGIE bill ay hindi katumbas na pagiging kontra sa LGBTQIA+ community.
Tiniyak naman ni Villanueva na ang layun nila ay bumalangkas ng batas para protektahan ang karapatan ang dignidad ng bawat Pilipino. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News