Malabong maadopt sa Senado ang resolution na humihikayat sa gobyerno na makipagtulungan sa imbestigasyon ng International Criminal Court kaugnay sa human rights situation sa bansa.
Ito ang paniniwala ni Senador JV Ejercito matapos mabilis na makalusot na sa Kamara ang mga kahalintulad na resolution.
Inihayag ni Ejercito na hindi napag-uusapan ng mga senador ang naturang resolution maging sa kanilang pag-uusap sa Senate lounge.
Muli ring binigyang-diin ng senador na malinaw na gumagana ang justice system ng bansa partikular sa ilalim ng pamamahala ni Justice Secretary Crispin Remulla na nagpapatupad ng maraming pagbabago sa Department of Justice.
Una nang inihain ni Senador Risa Hontiveros ang resolution upang bigyang-daan ang imbestigasyon ng ICC sa bansa habang may mga resolution ding nakapending sa Senado para naman protektahan si dating Pangulong Rodrigo Duterte laban sa pagsisiyasat. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News