Inaasahan ang pagdating sa bansa ngayong Huwebes ng limang Pilipino mula sa West Bank makaraang ligtas na nakatawid patungong Jordan sa gitna ng digmaan sa pagitan ng Israel at militanteng grupong Hamas.
Ayon sa Philippine Embassy sa Jordan, sinundo ang mga Pinoy mula sa kani-kanilang tirahan sa West Bank at dinala sa Allenby Border patawid sa Israel kung saan sinalubong at tinulungan sila ng Philippine Embassy Officers at Personnel na nangasiwa ng kanilang pagpasok sa Jordan sa pamamagitan ng King Hussein Bridge Crossing.
Nakipagpulong ang Embassy officials sa pangunguna ni Ambassador to Jordan Wilfredo Santos sa pinuno ng King Hussein Border Authority para sa posibleng pagtawid ng iba pang mga Pilipino mula sa West Bank sakaling lumala ang kaguluhan.
Ang unang batch ng Filipino repatriates mula sa West Bank ay dumating sa Pilipinas noong Nob.9. —sa panulat ni Lea Soriano