Muling kinastigo ng mga Senador ang Commission on Human Rights sa deliberasyon ng kanilang panukalang budget sa Senado kaugnay sa sinasabing petisyon para kay Senate Majority Joel Villanueva upang agad nang ipasa ang SOGIE Equality bill.
Sa deliberasyon, ipinakita ni Villanueva ang video clip ni Atty. Krissi Shaffina Twyla Rubin, officer-in-charge ng Center for Gender Equality & Women’s Human Rights ng CHR na sumusuporta sa SOGIE bill sa pagdiriwang ng pride month sa Quezon City noong Hunyo.
Ilang ulit ding tinanong ni Villanueva ang liderato ng CHR kung posisyon ng komisyon ang pagsuporta ng abogado sa SOGIE bill at kung alam nito ang petisyon.
Sinabi ni CHR Chairperson Richard Palpal-latoc na nasa kanila pa ang petisyon at wala silang balak na isumite ito sa Senado.
Nasita rin ni Villanueva ang CHR sa anya’y paglabag sa kanyang karapatan dahil hindi nila inaalam ang kanyang panukala para sa Comprehensive Anti-Discrimination.
Sinegundahan naman ito nina Senador Jinggoy Estrada at Alan Peter Cayetano sa paggiit na hindi nangangahulugang kalaban ng LGBTQIA+ community ang mga taong hindi pabor sa SOGIE bil kaya’t hindi tamang husgahan nila si Villanueva.
Sa huli, sinabi ni Palpal-latoc na ikinalulungkot nila ang pagkadismaya ng mga senador sa sinasabing petisyon kasabay ng pangakong pag-iibayuhin pa ang pagtupad sa kanilang mandato at pananatilihin ang kanilangn mantra na sila ang CHR ng lahat, naglilingkod maging sino ka man. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News