Nanawagan si House Majority Leader at Zamboanga City District Rep. Mannix Dalipe kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na huwag nang idamay ang AFP at PNP mula sa tinawag nitong “partisan intrigues” na maaring kumuwestiyon sa kanilang pagiging propesyonal.
Ginawa ni Dalipe ang pahayag, kasunod ng sinabi ni Duterte kaugnay ng umano’y presidential ambition ni House Speaker Martin Romualdez, na aniya ay hindi lamang “baseless” kundi “premature” din dahil masyado pang malayo ang 2028 elections.
Umapela si Dalipe sa dating Pangulo na kilalanin ang kahalagahan na mapanatiling malaya mula sa partisan politics ang AFP at PNP na nagsisilbing sandigan ng seguridad ng bansa, at ang kanilang pagiging epektibo ay nasusukat sa kanilang pagkakaisa at impartiality.
Binigyang diin ng house leader na marami pang mas importanteng mga bagay na kailangang gawin ang militar at pulisya kaysa bantayan ang kongreso, gaya ng ipinahihiwatig ni dating Pangulong Duterte. —sa panulat ni Lea Soriano