Kaagad nakipagkita si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Filipino community sa San Francisco California USA, ilang sandali lamang matapos itong dumating ng America.
Humarap ang Pangulo sa humigit-kumulang 900 Pinoy na nagtipon sa South San Francisco Conference Center.
Kasama rin ni Marcos sina First Lady Liza-Araneta Marcos, kapatid na si Irene Marcos, House Speaker Martin Romualdez, Philippine Ambassador to USA Jose Manuel Romualdez, at mga miyembro ng gabinete.
Sa kanyang talumpati, inilarawan ng Pangulo ang mga Pilipinong nagta-trabaho sa America bilang “Mga hari at reyna ng overtime”.
Pinuri rin nito ang pagiging maaasahan, mapagkakatiwalaan, at matulungin ng mga Pinoy, at kanila umanong pinanatili ang magandang reputasyon ng Pilipinas.
Samantala, nagkaroon din ng pagtatanghal ang ilang sikat na Filipino artists. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News