Target ng Department of Transportation (DOTr) na ipatupad ang partial operation ng Metro Manila Subway Project bago matapos ang termino ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa 2028.
Sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista na bumibilis naman ang trabaho sa tinaguriang “Project of the Century” dahil sa karagdagang boring machines.
Aniya, ang mga kasalukuyang makina ay naka-schedule na aabot sa Quirino Avenue mula sa Valenzuela sa katapusan ng 2023.
Dalawa pang boring machines ang gagamitin para sa paghuhukay ng tunnel mula Metrowalk patungong Shaw Boulevard ang nakatakdang dumating.
Inihayag ni Bautista na pagsapit ng Pebrero ay anim na boring machines na ang gagana kaya bibilis pa ang konstruksyon.
Ang Metro Manila Subway ay magsisimula sa Valenzuela City at dadaan sa Quezon City, Pasig, Makati hanggang NAIA Terminal 3 at Bicutan, at magpapatuloy sa North South Commuter Railway hanggang sa Calamba. —sa panulat ni Lea Soriano