Maituturing na pag-atake sa demokrasya ang panibagong insidente ng pagpatay sa isang mamamahayag sa Misamis Occidental, kahapon.
Ito ang binigyang-diin ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., kasabay ng kanyang pagkondena sa brutal na pagpaslang kay Radio Broadcaster Juan Jumalon habang siya ay nagpo-programa sa loob mismo ng kanyang tahanan.
Sinabi ni Revilla na ang anumang karahasan sa mga mamamahayag, ay karahasan laban sa ating demokrasya.
Kasabay nito, hinamon ni Revilla ang mga awtoridad na agad papanagutin ang mga nasa likod ng karahasan upang mabigyang katarungan ang biktima.
Iginiit ng senador na dapat busisiing mabuti ang bawat anggulo sa pagpatay upang matiyak na mailalabas ang katotohanan sa likod nito. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News