dzme1530.ph

Hepe ng Pasay Police at 26 na tauhan, sinibak sa puwesto bunsod ng posibleng kapabayaan kaugnay ng iligal na aktibidad sa POGO

Inalis sa puwesto ang Chief of Police ng Pasay City at 26 na mga tauhan nito dahil sa posibleng Neglect of Duty sa iligal na mga aktibidad sa isang POGO Hub.

Sa Press Conference, sinabi ni PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo, na gumugulong na ang pre-charge investigation laban sa concerned police personnel.

Inihayag ni Fajardo na posibleng nagkaroon ng kapabayaan dahil matagal nang nag-o-operate ang POGO establishment subalit hindi na-detect ng mga pulis ang presensya ng mga iligal na aktibidad sa lugar.

Pinalitan ni Police Colonel Mario Mayanes si Pasay City Police Chief Colonel Uy.

Kamakailan ay nadiskubre ng mga otoridad ang pinaniniwalaang torture chamber sa POGO Hub sa Pasay City sa isinagawang raid.

Ang naturang POGO facility ay ginagamit umano sa iligal na operasyon, gaya ng Sex Trafficking, Love at Cyrpto Scams. —sa panulat ni Lea Soriano

About The Author