dzme1530.ph

Proklamasyon ni Erwin Tulfo bilang nominee ng ACT-CIS party-list, sinuspinde ng COMELEC

Sinuspinde ng COMELEC ang proklamasyon ni erwin tulfo bilang nominee ng Anti-Crime and Terrorism Community Involvement and Support (ACT-CIS) party-list sa gitna ng disqualification case na inihain laban sa dating kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sa statement ng poll body, napagpasyahan ng En Banc kahapon na suspindihin ang proklamasyon ni Tulfo kasunod ng isinampang diskwalipikasyon laban sa kanya noong Martes.

Ayon sa COMELEC, isang Atty. Moises Tolentino Jr. ang naghain ng disqualification case kaugnay ng alegasyon na kumukwestiyon sa citizenship at “conviction by final judgement of a crime involving moral turpitude” ng dating DSWD secretary.

Ipinaliwanag ng poll body na alinsunod sa Section 8, Rule 5 ng COMELEC Resolution no. 9366 na maaring suspindihin ang proklamasyon ng isang nominee kung ang ebidensya sa petition for disqualification ay malakas at hindi pa nareresolba.

Nakatakdang i-raffle sa March 6 ang disqualification case ni Tulfo upang malaman kung anong dibisyon ang magsasagawa ng hearings.

Matatandaang nag-resign si Jeffrey Soriano bilang kinatawan ng ACT-CIS dahilan para mag-nominate ang grupo ng kapalit, sa katauhan ni Tulfo.

About The Author