Binuksan na ang Rafah border crossing para sa ligtas na paglilikas sa mga Palestinong malubhang nasugatan sa giyera sa pagitan ng Israel at grupong Hamas, pati na sa ilang mga dayuhan na naipit sa Gaza Strip.
Ang unang grupo na pinayagang makatawid patungong Egypt ay mga sugatang sibilyan at ilang foreign passport holders, kabilang ang mga nagta-trabaho sa United Nations at iba pang international organizations.
Naghahanda na ang Philippine Embassy sa Cairo para sa posibleng anunsyo na bubuksan ang border para sa ligtas na paglilikas sa mga Pilipino, na nasa 136.
Ang pagbubukas ng mahalagang lagusan ay nangyari tatlong linggo makaraang ilunsad ng militanteng grupong Hamas ang madugong pag-atake sa Israel noong Oct. 7 na ikinasawi ng 1,400 katao. —sa panulat ni Lea Soriano