Hinikayat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga Pilipino na huwag magpadala sa vote-buying ngayong Brgy. at Sangguniang Kabataan Elections.
Sa chance interview matapos ang kanyang pagboto sa Batac City, Ilocos Norte, inihayag ng Pangulo na sa kasamaang-palad ay nagpapatuloy pa rin ang vote-buying, at nakatanggap din umano siya ng report na nagkaroon ng vote-buying hanggang sa Ilocos Norte.
Kaugnay dito, hinimok ni Marcos ang publiko na huwag itapon ang karapatang makapili ng mga opisyal ng barangay, na silang makakaharap natin araw-araw at silang magiging pangunahing takbuhan ng mga problema.
Kasabay nito’y tiniyak ng Pangulo na kaagad inaaksyunan ng pulisya at ng comission on elections ang mga insidente ng vote buying. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News