dzme1530.ph

Panibagong pag-atake ng China sa resupply mission ng Pinas sa WPS, dapat nang imbestigahan

Iginiit ni Senador Francis Tolentino na panahon nang imbestigahan ng International Maritime Organization ang panibagong panggigipit ng China sa barko ng Pilipinas na nasa resupply mission sa BRP Sierra Madre sa West Philippine Sea.

Sinabi ni Tolentino na ang panggigipit ng China ay patunay ng patuloy na pambabalewala sa panuntunan ng International Law at basic maritime safety.

Iginiit ng senador na hindi dapat ito palampasin at kailangang sumailalim na sa masusing imbestigasyon.

Kinondena rin ni Senate Committee on National Defense chairman Jinggoy Estrada ang insidente na maliwanag anyang paglabag sa maritime norms at international law bukod pa sa nagdudulot ng banta sa kalusugan at kaligtasan ng buong rehiyon.

Sinabi ni Estrada na ilang beses nang ginawa ng China ang panghaharang sa sasakyang pandagat ng Pilipinas at hindi na anya katanggap-tanggap ang mga ganitong aksyon.

Iginiit pa ng senador na pag-aralang mabuti ang susunod na hakbang dahil ito ay paglabag sa ating sovereign rights at pag-atake sa ating maritime personnel. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author