Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, iginiit ni Senate President Juan Miguel Zubiri na panahon nang bawasan ang pagiging dependent ng bansa sa fossil fuel.
Dapat anyang palakasin ang renewable energy ng bansa partikular ang solar, hydro at wind.
Layon din nitong maibaba ang presyo ng kuryente at maibsan ang pagtaas ng inflation.
Idinagdag ng senador na magkakaroon din ito ng magandang epekto sa pagnenegosyo sa bansa.
Gayunman, aminado ang senate leader na nagiging balakid sa pagpapalaganap ng renewable energy ang problema pa rin sa red tape.
Marami anya sa mga namumuhunan sa renewable energy ang nadidismayang magnegosyo sa bansa dahil sa dami ng mga kumplikadong proseso na nauuwi pa sa katiwalian.
Dahil dito, patuloy ang panawagan ng senador na bigyan pa ng dagdag ngipin ang Anti-Red Tape Authority (ARTA) para sa pagpapatupad ng Ease of Doing Business Act of 2018. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News