Mainit ang naging pagtanggap ng Saudi Arabia sa Maharlika Investment Fund, na iprinisenta ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr..
Sa business roundtable meeting sa Riyadh, inihayag ni Saudi Investment Minister Khalid Al-Falih na interesado ang Saudi investors na matuto sa pamamahala ng finances ng Pilipinas, na inilarawan bilang isa sa “most exciting markets” sa ASEAN.
Nais umano ng Saudi businesses na panatihilin ang international presence sa pamamagitan ng pag-iinvest sa iba’t ibang key partners tulad ng Pilipinas.
Samantala, partikular na nagpakita ng interes sa Maharlika Fund ang Public Investment Fund of the Kingdom of Saudi Arabia, at JADA investment firm.
Sinabi naman ni Marcos na bukod sa investments ay hangad din nilang matuto sa karanasan ng Saudi sa pamamahala ng Sovereign Wealth Fund.
Itinuloy ng Pangulo ang presentasyon ng Maharlika Fund kahit na suspendido ang Implementing Rules and Regulations nito. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News