Sinegundahan ni Sen. Christopher Bong Go ang panawagan ni Vice President Sara Duterte na iwasan na muna ang pamumulitika at sa halip ay maging bahagi ng solusyon sa mga problema ng bansa.
Ginawa ni Go ang panawagan kasabay ng pagtiyak ng pagtitiwala sa kakayahan at integridad ng Bise Presidente bilang lingkod bayan kasama na anya ang tamang paggamit ng pondo ng taumbayan, para sa taumbayan.
Partikular ding suportado ng senador ang hangarin ni Duterte na mabigyan ng de-kalidad na edukasyon ang kabataan at matiyak ang kanilang kaligtasan.
Binigyang-diin ni Go na bilang dating alkalde ng Davao City at nagsilbing chairman ng City Peace and Order Council at miyembro ng Regional Peace and Order Council ay tiniyak ni Duterte na maging tahimik, mapayapa at insurgency-free ang siyudad at buong Davao Region.
Nanawagan naman ang mambabatas na magkaisa na lang ang lahat at sama-samang tulungan ang gobyerno upang maisakatuparan ang ating iisang hangarin na mabigyan ng mas matatag, maginhawa at ligtas na bansa ang bawat Pilipino. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News