Inaasahang darating sa bansa ang 18 Pilipino mula sa Israel bukas, Oktubre a-17, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Sinabi ni OWWA Administrator Arnell Ignacio na makatatanggap ang mga ito ng financial assistance matapos maapektuhan ang kani-kanilang trabaho bunsod ng digmaan sa pagitan ng Israeli forces at Hamas militants.
Kaugnay nito, nasa 131 Pilipino pa aniya ang naghihintay na makatawid ng Egypt para salubingin ng mga opisyal ng gobyerno ng Pilipinas.
Sa ngayon, umabot na sa 28 ang bilang ng mga Pilipinong na-repatriate.
Nilinaw naman ni Ignacio na ang mga ito ay umuwi hindi lang dahil sa gulo kundi naka-schedule nang bumalik sa Pilipinas. —sa panulat ni Airiam Sancho