Matapos maudlot ang pakikipag-usap sa Malakanyang, itinuloy ng grupong MANIBELA ang kanilang tigil-pasada, ngayong Lunes.
Naghihinala si MANIBELA President Mar Valbuena na nabalitaan marahil ng ilang opisyal na sangkot sa anomalya ang pakikipag-usap nila sa palasyo kaya hinarang ang pulong.
Sinabi ni Valbuena na hindi kasi pinakinggan ang kanilang panawagan na suspindihin ang December 31 deadline para sa consolidation ng prangkisa ng traditional jeepneys kaya naglunsad na naman sila ng tigil-pasada.
Hindi naman lumahok sa strike ang malalaking transport groups, kaya hindi umano mapaparalisa ang mga biyahe, at walang dahilan para magsuspinde ng klase.
Mayroon ding libreng sakay, subalit hindi kagaya dati na umiikot para magsakay ng mga commuter, ngayon ay pupunta lamang ang mga sasakyan sa mga lugar na mayroong mga stranded na pasahero.
Katwiran ni MMDA Chairman Romando Artes, ang mga mape-perwisyo naman ng tigil-pasada ay ang mga operator at tsuper na sumama sa transport strike dahil mawawalan sila ng kita. —sa panulat ni Lea Soriano