Kinumpirma ng Maritime and Corporate Registries ng Marshall Island na malapit na nilang matapos ang kanilang imbestigasyon sa nangyaring ramming incident malapit sa Pangasinan na ikinasawi ng tatlong mangingisda.
Sa pagharap sa hearing ng Senate Special Committee on Philippine Maritime and Admiralty Zone, sinabi ni Capt. Leo Bolivar, Deputy Commissioner for Maritime Affairs ng Republic of the Marshall Islands, October 4 pa nang simulan nila ang pagsisiyasat sa pagkakabangga ng oil tanker na MV Pacific Anna sa FB Dearyn.
Sinabi ni Bolivar na sa sandaling matapos nila ang pagsisiyasat ay kanilang isusumite ang resulta sa International Maritime Organization.
Samantala, idinetalye rin ng ilang survivor sa pagdinig ang kinaharap nilang aksisdente.
Ayon kay Johnny Manlolo, isa sa mga crew ng fishing vessel, nagulat sila nang mabangga sila ng oil tanker sa gitna ng malakas na ulat.
Binigyang-diin ni Manlolo na imposibleng hindi sila nakita ng oil tanker dahil mayroon silang tatlong ilaw sa labas at malaki rin naman ang kanilang sasakyan.
Bukod dito, may radar din ang oil tanker kaya alam nila kung may mga sasakyang pandagat sa kanilang paligid. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News