Na-hack din ang isang sistema ng Philippine Statistics Authority.
Ayon kay PSA Undersecretary Dennis Mapa, sa imbestigasyon nakitang napasok ng mga hacker ang Community-Based Monitoring System (CBMS) ng ahensiya ngunit hindi pa anila tiyak kung may mga datos na nakompromiso.
Laman ng CBMS ang datos mula sa mga household o tahanan, na gamit ng pamahalaan sa paglalatag ng programa.
Nakikipag-ugnayan na rin ang PSA sa National Privacy Commission at iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno upang matugunan ang hacking incident.
Sa ngayon, sinabi ng PSA na nakapatay na ang ibang systems at wala na ring koneksiyon ang CBMS sa iba pa nitong mga system bilang pag-iingat.
Nilinaw ng PSA na hindi umano naapektuhan ang National IDs at Civil Registration System (CRS) ng nasabing data breach. —sa panulat ni Joana Luna