Pinangalanan ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang tatlong opisyal ng Department of Agriculture na umano’y sangkot sa pangho-hoard ng sibuyas at profiteering noong Disyembre ng nakaraang taon nang pumalo sa halos P600 kada kilo ng presyo nito.
Sa Press Briefing, sinabi ni Remulla na kakasuhan ng Department of Justice ng Graft and Corruption sina DA Assistant Secretary Kristine Evangelista at Bureau of Plant Industry officers-in-charge Junibert de Sagun at Glenn Panganiban.
Sasampahan din ng administrative cases ang tatlong nabanggit na opisyal dahil umano sa kanilang inefficiency at incompetence.
Inihayag ng Kalihim na una nang kinasuhan ng kriminal ng National Bureau of Investigation ang anim na personalidad noong nakaraang buwan, kabilang ang tatlong DA officials, at ang Bonena Multipurpose Cooperatibe bunsod ng hoarding at profiteering.
Ang mga bagong kaso ay kinabibilangan ng Falsification of Private Documents at paggamit ng Falsified documents. —sa panulat ni Lea Soriano