Mas tututukan sa Balikatan 2024 sa pagitan ng Pilipinas at Amerika ang Maritime o Naval drills kumpara sa mga nakalipas na edisyon kung saan naka-focus ang exercises sa land-based o infantry intensive.
Sinabi ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr., na dahil sa mas nakatututok sa naval exercises, 16,000 personnel lamang ang participants sa susunod na taon, mas kaunti kumpara sa 17,767 na lumahok ngayong 2023.
Paliwanag ni Brawner, sa maritime drills, kung ilan lamang ang crew ng barko ay iyon lamang ang maaring sumakay, hindi katulad kapag land-based na puwede ang maraming participants.
Inihayag din ng AFP Chief na kabilang sa posibleng maritime drills para sa “Balikatan” sa susunod na taon ay naval gunnery, anti-submarine drills, resupply sa karagatan, at helicopter landing drills o flight deck exercises. —sa panulat ni Lea Soriano