Nagtalaga si Transportation Secretary Jaime Bautista ng officer-in-charge na mamumuno sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kasunod ng suspensyon sa Chairman nito na si Teofilo Guadiz III.
Sa isang Special Order, itinalaga ni Bautista si LTFRB Board Member Mercy Paras Leynes bilang OIC simula Oct. 10, 2023 hanggang Oct. 9, 2024.
Noong Lunes ay sinuspinde ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Guadiz sa gitna ng mga alegasyon ng katiwalian sa ilalim ng kanyang liderato.
Nakaladkad sa kontrobersiya si Guadiz makaraang ibunyag ng kanyang dating Executive Assistant na si Jeff Tumbado na pumapalo ng hanggang P5-M ang suhol na pera mula sa mga operator para maka-secure ng ruta, prangkisa, special permits o board resolutions.
Isiniwalat ni Tumbado na hinihingan ng 50% na down payment ang mga operator habang ang balanse ay babayaran kapag naaprubahan na ang request.
Sinabi pa ni Tumbado na bukod sa bribery sa LTFRB Central Office, binibigyan din ng quota ang Regional Directors na mag-prodyus ng P2-M kada buwan.—sa panulat ni Lea Soriano