Ilang araw pa ang kailangan ng Comelec upang matukoy kung may sapat na dahilan para isailalim ang bayan ng Socorro, sa Surigao del Norte sa kanilang kontrol para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Kasunod ito ng tensyon sa lugar kaugnay ng umano’y kultong Socorro Bayanihan Services Inc.
Sinabi ni Comelec Spokesman Atty. Rex Laudiangco na hinihintay pa nila ang reports at evaluations mula sa kanilang law enforcement partners, upang malaman kung makaaapekto a sitwasyon sa Oct. 30 BSKE.
Inihayag ni Laudiangco na una nang nagbitaw ng salita si Comelec Chairman George Garcia na hindi magdadalawang isip ang poll body na isailalim sa kanilang kontrol ang naturang lugar matuloy lamang ang halalan.
Sa ngayon ay tanging lalawigan ng Negros Oriental ang nasa ilalim ng Comelec control bunsod ng paglawak ng tensyon sa lugar kasunod ng insidente ng pagpaslang kay Governor Roel Degamo. —sa panulat ni Lea Soriano