dzme1530.ph

LRT-1, magdaragdag ng mga biyahe simula sa unang araw ng Oktubre

Inanunsyo ng pamunuan ng LRT-1 ang karagdagang biyahe sa kanilang linya simula sa Linggo, Oktubre 1.

Sinabi ng Light Rail Manila Corporation (LMRC) na ang kanilang hakbang ay bunsod ng pagtaas ng bilang ng mga commuter sa Metro Manila dahil sa pagbabalik ng in-person classes sa iba’t ibang paaralan at universities malapit sa LRT-1 stations, pati ang nalalapit na kapaskuhan.

Ayon sa LMRC, mula sa 410 ay magiging 460 ang bilang ng mga biyahe sa weekdays habang sa weekends, mula sa 293 ay magiging 331 kapag sabado, at 307 naman kapag linggo.

Inihayag ni LMRC Chief Operating Officer Rolando Paulino III na halos 10% ang itataas ng kanilang transport capacity para sa kanilang weekday operations habang nasa 20% naman kapag weekends. —sa panulat ni Lea Soriano

About The Author