dzme1530.ph

Planong paglilipat ng CIF ng ibang ahensya, naaakma para sa security forces

Deserved na deserved ng security forces tulad ng Armed Forces of the Philippines at Philippine Coast Guard na mailipat sa kanila ang tatanggaling confidential at intelligence fund ng ibang ahensya ng gobyerno.

Ito ang pahayag ni Sen. Risa Hontiveros kasabay ng pagtiyak na buo ang kanyang suporta sa plano ni Senate President Migz Zubiri at ng House of Representatives, na ilipat na ang confidential at intelligence funds sa mga ahensyang totoong dumidipensa sa teritoryo ng bansa at nagtatanggol sa likas yaman sa West Philippine Sea.

Sinabi ng senadora na natutuwa siya dahil tumitibay na ang nauna niyang panawagan noong nakaraang Agosto na palakasin ang kakayahan ng Philippine Coast Guard (PCG), National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at ng ibang ahensya.

Kailangan anya nila ng malaking pondo dahil pinoprotektahan nila ang ating likas yaman, ang ating mga kababayan, ang kabuhayan ng ating mga mangingisda at ang kinabukasan ng ating bansa.

Muling binigyang diin ng mambabatas na hindi tama na ang mga civilian agency na walang direktang kinalaman sa national security ay pagkakalooban ng P500 million na confidential fund, habang ang PCG na nagbabantay sa buong WPS, pagkakasyahin ang P10 million na confidential funds sa 2024.  —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author