Mariing kinondena ng Catholic Bishop Conference of the Philippines ang ginagawang pang-aabuso at paggamit ng isang grupo sa imahe ng Sto. Niño para sa kanilang pananampalataya sa Soccoro Surigao del Norte.
Sa inilabas na statement ng CBCP, itinanggi nila na konektado sa Catholic Church ang Soccoro Bayanihan Services Inc., o mas kilala sa tawag na Kapihan na pinamumunuan ni Jay Rence Quilario o Senior Agila.
Natuklasan kasi ng Simbahang Katoliko na ginagamit ni Senior Agila ang imahe ng Sto. Nino ngunit ipinapakilala nya ang kanyang sarili bilang isang Diyos.
Sabi ng CBCP, walang kinalaman at hindi konektado sa Our Lady of Perpetual Help Parish ng bayan ng Soccoro ang ginagawang aktibidad ng binansagang kulto na Kapihan.
Ginagamit lang daw ng Kapihan ang imahe ng Sto. Nino para manghikayat ng mga myembro at kanilang mga taga sunod.
Malayo din umano sa aral ng Simbahang Katoliko ang itinuturo ng nasabing kulto dahil ang doktrina na ibinibigay sa tao ay sambahin si Senior Agila imbes na si Hesukristo.
Maging ang pang-aabuso sa mga menor de edad na babae na ginagawang asawa ni Senor Aguila ay kinondena rin ng CBCP kung saan tinawag pa nila itong isang krimen.
Sa huli, hiningi ng Simbahan na ipanalangin ang mga biktima kasabay ng apela sa mga awtoridad na sagipin ang mga menor de edad at iba pang taga sunod na nabibiktima ng panlilinlang ng naturang kulto. —ulat mula kay Felix Laban, DZME News