Kinumpirma ni Ombudsman Samuel Martires na ipatatanggal nila ang P51.6-M confidential fund na inilaan sa kanilang ahensya sa ilalim ng kanilang 2024 proposed budget.
Sa budget hearing sa Senado, sinabi ni Martires na kaya naman nilang mabuhay nang walang confidential fund at magtutuloy-tuloy naman ang kanilang imbestigasyon at operasyon kahit wala ang naturang pondo.
Ang pahayag ni Martires ay kasunod ng hamon ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na magsilbi itong mabuting halimbawa sa iba pang ahensya na igive up ang kanilang confidential fund at hayaang ang security agency ang magkaroon nito.
Sinabi ni Pimentel na kung gagawin ito ng Ombudsman ay ito na ang pangatlong ahensya na nag-waive ng kanilang confidential fund kasunod ng Department of Migrant Workers at Department of Foreign Affairs.
Naninidgan si Martires na bagama’t maayos nilang nagagamit ang kanilang confidential fund ay maaari namang gumalaw ang kanilang tanggapan nang wala ang pondo dahil nakakahingi naman sila ng tulong ibang ahensya ng gobyerno tulad ng PNP.
Katunayan, siya pa mismo ang humiling na bawasan ang kanilang confidential fund ngayong taon na unang itinakda sa P51-M at ipinababa niya sa P31-M.
Ang Ombudsman anya ay taun-taon nang may confidential fund simula noong 2005. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News