Suportado ng Department of Health ang pagsasabatas ng legal use of medical marijuana.
Sa kanyang pagharap sa Commission on Appointments, sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa na bagama’t naglalabas na ang Food and Drug Administration (FDA) ng ‘compassionate use’ permit para sa medical marijuana ay kumplikado naman ang proseso sa pagkuha nito.
Sa ngayon anya ay irerequest pa ng isang doctor sa FDA ang paperwork bago ma-import ang marijuana.
Ito naman ang nakikitang dahilan ni Cong. LRay Villafuerte kaya maituturing na anti-poor ang kasalukuyang proseso para sa medical marijuana.
Ipinaliwanag ni Villafuerte na wala namang access ang mahihirap sa ganitong proseso na aabutin pa ng ilang taon bago maaprubahan bukod pa sa magastos ang importasyon ng produkto.
Kabilang sa pinaggagamitan ng medical marijuana ang epilepsy syndromes, complementary treatment sa cancer, anxiety, insomnia at chronic pain, at parkinson’s disease. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News