Nanindigan ang Department of Justice na sa Maynila gagawin ang preliminary investigation sa reklamong trafficking at abuse of minors laban sa mga miyembro ng umano’y kulto na Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI).
Ginawa ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang pahayag makaraang igiit ng SBSI na wala silang pondo para bumiyahe mula Surigao del Norte patungo sa main building ng DOJ sa Maynila.
Una nang sinampahan ng reklamo ang mga lider ng kulto sa Provincial Prosecutor’s Office ng Surigao del Norte bunsod ng umano’y Qualified Trafficking, Kidnapping, at Serious Illegal Detention, maging paglabag sa Act Prohibiting the Practice of Child Marriage, at Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination.
Binigyang diin ni Remulla na kung ayaw magtungo ng mga akusado sa DOJ ay problema na nila iyon, pero ang mga biktima aniya ay puwede nilang gastusan. —sa panulat ni Lea Soriano