Ikinagulat ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang mga sinabi ng dalawang environmentalists sa inorganisa nilang press conference sa Plaridel, Bulacan.
Ayon sa NTF-ELCAC, pakiramdam nila ay trinaydor sila nina Jhed Tamano at Jonila Castro sa mismong presscon na kanilang inorganisa para ipakitang mabuti ang intensyon nila sa dalawang kabataan.
Kahapon ay isiniwalat nina Tamano at Castro na dinukot at tinakot sila ng mga sundalo, taliwas sa mga report na boluntaryo silang sumuko sa mga otoridad.
Ang dalawang kabataang babae ay mga miyembro ng Student Alliance for Advancement Nationalism and Democracy na isang aktibistang grupo, at Akap Ka Manila Bay na isang environmental alliance na naka-base sa Central Luzon at tumututol sa reclamation activities sa Manila Bay. —sa panulat ni Lea Soriano