Patong-patong na reklamo, gaya ng Qualified Trafficking, Kidnapping and Serious Illegal Detention, at Child Abuse ang naisampa na laban sa mga miyembro ng umano’y kulto sa Socorro, Surigao del Norte, noon pang Hunyo.
Sa impormasyon mula sa Department of Justice, nahaharap sa prosekusyon ang mahigit 10 miyembro ng Socorro cult sa pangunguna ni Jay Rence Quilario, alyas “Senior Aguila.”
Tumatayong complainants sina Municipal Mayor Riza Timcang, Municipal Social Welfare Development Officer Chien Dizon at ang NBI-Caraga.
Gayunman, inihayag ni Justice Assistant Secretary Mico Clavano na nahaharap ang prosecutors sa iba’t ibang motions to inhibit na inihain ng mga respondent.
Idinadag ni Clavano na dahil napukaw na ng naturang kontrobersiya ang atensyon ng taumbayan kasunod ng privilege speech ni Senador Risa Hontiveros, posibleng ilipat ang kaso sa Maynila mula sa Surigao. —sa panulat ni Lea Soriano