Nasabat ng mga otoridad ang dalawang barko na umano’y sangkot sa ilegal na pagkakarga ng Diesel na umaabot sa 400,000 litro na nagkakahalaga ng P29.6 milyon sa Turtle Islands, Tawi-Tawi.
Ayon sa Western Mindanao Command, nasabat ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at militar ang Malaysian Vessel na “Marnia Penang” na kinakargahan ng diesel ang Filipino-owned vessel na “Jaslyn Stacy Legazpi” sa Lihiman Island sa bayan ng Taganak.
Batay sa imbestigasyon, naglayag ang “Marnia Penang” mula sa Deojor, Malaysia lulan ang labing-anim na pahinante ng barko habang ang “Jaslyn Stacy Legazpi” na galing Navotas ay may sakay na labing-tatlong katao.
Nasa kustodiya na ng Philippine Coast Guard ang mga nahuling barko na naka-base sa Turtle Islands para sa proper disposition.