Nasa 400,000 pulis na sumailalim sa pagsasanay ang naka-standby para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Oktubre.
Ito, ayon kay Comelec Chairman George Garcia, ay kung sakaling hindi available ang ilang public school teacher’s para mag-duty bilang electoral board members sa araw ng halalan.
Sinabi ni Garcia na tatlong lugar sa Maguindanao ang kanilang binabantayan kung saan posibleng umatras sa pagdu-duty ang mga guro dahil sa pangamba sa kanilang buhay.
Ibinahagi ng poll chief na noong 2022 elections ay pinalitan ng PNP personnel ang mga guro sa Cotabato City na nakatalaga sa 175 clustered precincts makaraang tumanggi ang mga ito na maupo bilang electoral board members dahil sa takot na madamay sa karahasan. —sa panulat ni Lea Soriano