Ikinu-konsidera ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na limitahan ang bilang ng subscriber identity module (SIM) na maaring irehistro makaraang makumpiska ng mga otoridad ang nasa isang bilyong piso mula sa e-wallets na umano’y naka-link sa mga sindikato.
Ayon kay DICT Secretary Ivan John Uy, ang nakumpiskang pera ay sa pamamagitan ng raids kasunod ng implementasyon ng SIM Registration Act.
Sinabi ni Uy na ang mga SIM na narekober sa mga raid ay nakalagay sa mga phone at mayroong iba’t ibang halaga na naka-deposito sa e-wallets na umano’y ninakaw sa pamamagitan ng mga scam.
Ang mga SIM na ginamit ay pre-registered na binili mula sa ibang indibidwal o ni-rehistro sa pamamagitan ng pandaraya.
Idinagdag ng kalihim na ikinu-konsidera ngayon ng DICT na amyendahan ang implementing rules and regulations (IRR) ng SIM Registration Act upang madagdagan ang pangil ng batas, gaya ng paglimita sa bilang ng SIM na maaring irehistro ng isang indibidwal tulad sa ibang bansa na hanggang lima lamang. —sa panulat ni Lea Soriano