Hinimok ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang Maritime Industry Auhtority (MARINA) na magpatupad ng mga radikal na pagbabago sa kanilang mga polisiya dahil sa nakaaalarmang maritime accidents sa nakaraang mga taon.
Sa pagdinig ng Senate Subcommittee on Finance sa panukalang pondo ng DOTr para sa susunod na taon, sa datos ng ahensya ay umabot ng 782 ang maritime accidents sa Pilipinas mula 2018 hanggang 2022.
Binigyang-diin ni Villanueva na ngayong taon lang, halos sunod-sunod ang mga nangyaring aksidente sa karagatan.
Tinukoy ng senador ang pagkasunog ng MV Esperanza noong Hulyo at pagtaob ng MV Aya Express na ikinasawi ng 27 na katao.
Kinatigan naman ni MARINA administrator Hernani Fabia na nakakaalarma ang mga insidente itong na tila hindi sila kinatatakutan dahil walang ngipin ang kanilang polisiya.
Kabilang naman anya sa mga ginagawa nilang aksyon ang pag-educate sa mga vessel owner sa pamamagitan ng pagsasagawa ng maritime vessel summit at nagkakaroon din ng review sa kanilang mga polisiya.
Hinihiling din ng ahensya na maamyendahan ang batas na bumuo sa Marina na halos 50-taon na simula nang nabuo. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News