Tiniyak ni Land Transportation Office chief Vigor Mendoza II na bumabalangkas na sila ng mga pamamaraan upang tapusin ang mga backlog sa plaka ng mga sasakyan at lisensya ng mga driver.
Sa panayam sa Senado matapos ang pagdalo sa pagtalakay sa 2024 proposed budget ng Department of Transportation, kinumpirma ni Mendoza na nasa 13 million motorcycle license plates at 80,000 car plates bukod pa sa 2.4 milyong driver’s license ang backlog na kanilang hinahabol.
Iginiit ni Mendoza na upang hindi madagdagan ang backlog sa plaka, imamandato niyang sa pagsapit ng Oktubre mairerelease ang mga bagong license plates isang linggo matapos magrehistro ng bagong sasakyan.
Plano rin ng LTO na itaas ang kanilang production capacity ng mga plaka ng 33 percent upang matapos ito sa loob ng 22 buwan ang backlogs.
Pinag-aaralan ding dagdagan ang shift at gawin nang pitong araw ang pasok ng mga empleyadong nasa produksyon ng license plates.
Idinagdag pa ni Mendoza na sa lisensya ay target nilang resolbahin ang backlog sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan matapos mag-expire na ang TRO sa delivery ng mga cards.
Ngayong buwan anya ay nasa isang milyong lisensya ang target nilang mairelease at habulin ang nalalabi pa sa susunod na buwan. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News