Wala pa namang Pinoy ang napaulat na napasama sa mga nasawi o nasugatan bunsod ng magnitude 6.8 na lindol sa Morocco.
Ito ang tiniyak ni Department of Migrant Workers (DMW) Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac sa kanilang mahigpit na pagtutok sa pinakahuling sitwasyon sa naturang bansa.
Ayon sa opisyal, nagpapatuloy ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa Department of Foreign Affairs at kay Philippine Ambassador to Morocco Leslie Baja para alamin ang sitwasyon ng hindi bababa sa 4,600 na mga OFW sa naturang bansa na karamihan ay nagtatrabaho bilang skilled workers, household workers, o teacher.
Nabatid na nasa 2,122 katao na ang bilang ng mga nasawi sa Morocco matapos yanigin ng malakas na lindol. —sa panulat ni Jam Tarrayo