Nanawagan si Senadora Grace Poe ang chairperson ng Senate Committee on Public Services sa Philippine National Police (PNP) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) matapos ang ulat na may ilang nagpapanggap na Grab driver na namimilit na magsakay ng pasahero.
Sa modus, magpapanggap ang driver ng isang pribadong sasakyan na siya ang na-book gamit ang ride-hailing app at kapag nakasakay na ang pasahero ay magdidikta ito ng mataas na singil sa pamasahe.
Ayon kay senador Poe, ang mas malala pa dito ay banta sa kaligtasan at seguridad ng mga pasahero ang modus dahil maaari rin itong magamit sa krimen.
Pinayuhan din ng Senadora ang publiko na maging alerto at mapagbantay sa ganitong modus.
Kinalampag din ng mambabatas ang mga lehitimong ride-hailing companies na makipagtulungan sa mga otoridad para masawata ang mga pekeng driver na makakaapekto sa kanilang mga negosyo.