Kinumpirma ni Phil. Insurance corporation (PhilHealth) CEO Emmanuel Ledesma, na handa na nilang bayaran sa loob ng 90-araw ang P27-B na pagkaka-utang ng ahensya sa iba’t ibang ospital sa buong bansa.
Sa pagharap ng PhilHealth sa budget hearing sa Kamara, inusisa ni Agri Partylist Rep. Wilbert Lee kung bakit hindi agad nakakabayad ang health insurer sa kanilang mga utang.
Ayon kay Lee, may P400-B investable funds ang PhilHealth, habang pumalo sa P68-B ang naitala nitong net income.
Nabulgar din sa budget hearing ang nasilip ng Commission on Audit kung saan triple ang inilaki sa suweldo ng ilang Executives ng PhilHealth habang nasa kasagsagan ang COVID-19 pandemic.
Inusisa ng kongresista kung ano ang naging basehan sa pagtaas ng kanilang sweldo gayung humihingi pa ito sa Kongreso ng mahigit P100-B na subsidiya.
Pagtatanggol naman ni Dr. Ish Pargas, PhilHealth Corporate Spokesperson, ang salary increase ay nakabatay sa E.O. 150 ng Palasyo para sa standardization ng suweldo, at may applikasyon din umano sila sa Governance Commission for GOCC, at may apprubadong “Certification Process.” —ulat mula kay Ed Sarto, DZME News