dzme1530.ph

Kautusan ng Ombudsman kaugnay sa umano’y overpriced laptop ng DEPED, ikinatuwa ng isang senador

Ikinalugod ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Francis Tolentino ang naging kautusan ng Ombudsman na suspindihin ang mga opisyal ng Department of Education at Department of Budget and Management na sangkot sa sinasabing overpriced laptop.

Sinabi ni Tolentino na ang Order ng Ombudsman sa Case No. 23-0091 ay nagpapatunay na tama ang ginawa at naging direksyon ng Senate Blue Ribbon Committee.

Matatandaang matapos ang mga pagdinig ng kumite, naglabas ito ng 297 pages na report ukol sa controversial P2.4-billion laptop deal.

Ipinaliwanag ng senador na ang  naging basehan ng desisyon ng Ombudsman ay ang Senate Blue Ribbon Committee Report na unanimously approved  ng Senado.

Nagpapatunay anya ito na hindi nasayang ang mga pagdinig ng Blue Ribbon na tumatayo ring  Complainant on record sa kasong dinidinig ng Ombudsman upang makamtan ang hustisya.

Tiwala si Tolentino na sa kautusan ng Ombudsman ay mananagot ang may sala at maisasakatuparan ang kanilang rekomendasyon na iabolish o buwagin na nag Procurement Service ng DBM.

Nangako rin ang senador na patuloy na gagawin ng Senate Blue Ribbon Committee ang mandato nito na hanapin ang katotohan upang makamtan ang katarungan. –ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author