dzme1530.ph

QCPD, kinasuhan ang 14 na aktibistang nagkasa ng Anti-SONA Rally

Nagsampa ng criminal complaint ang Quezon City Police District (QCPD) laban sa 14 na lider ng cause-oriented groups.

Ito ay dahil sa kanilang isinagawang rally sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Marcos nang walang permit mula sa lokal na pamahalaan.

Ayon sa QCPD, nilabag ng mga naturang aktibista, na karamihan ay miyembro ng Bayan Southern Tagalog, ang Batas Pambansa 880 o ang Public Assembly Act, matapos mapag-alaman na walang permiso mula Department of Public Order and Safety ng Kyusi ang kanilang ikinasang Anti-SONA Rally.

Samantala, sinopla naman ito ni Bayan President Renato Reyes at iginiit na walang basehan ang naturang complaint dahil nakapag-secure na sila ng permit, apat na araw bago ang SONA.

At dahil aniya regional chapter ng kanilang organisasyon ang Bayan – Southern Tagalog, hindi na nito kailangang kumuha pa ng hiwalay na permit.

Binigyang diin pa ni Reyes na gawa-gawa lamang ng “ridiculous” charges ang QCPD para supilin ang Freedom of Speech at ang Right to a Peaceful Assembly. –sa panulat ni Jam Tarrayo

About The Author