dzme1530.ph

DMW budget hearing, mabilis na tinapos sa gitna ng pagluluksa sa pagpanaw ni Sec. Toots Ople

Agad tinapos ng House Appropriations Committee ang deliberasyon sa panukalang P15-Billion budget ng Department of Migrant Workers (DMW) matapos ang 20-minuto, sa gitna ng pagluluksa sa pagpanaw ni Secretary Susan “Toots” Ople.

Nag-motion si Iloilo 1st District Rep. Janet Garin, Vice Chairperson ng panel na gawin lamang maiksi ang deliberasyon at iminungkahing palampasin na lamang ang budget presentation upang mabilis na matapos ang proceedings.

Ang motion ni Garin ay kasunod ng emosyonal na pagpupugay ni DMW Undersecretary Maria Anthonette Velasco-Allones sa hindi matatawarang pagseserbisyo publiko ni Ople, bago ang pagsisimula ng presentation ng proposed 2024 budget ng ahensya.

Sinabi ni Velasco-Allones na bagaman nagluluksa ang DMW ay panahon din ito upang ipagdiwang ang naging buhay ng kalihim, na tumutok sa pagtulong sa Overseas Filipino Workers simula noong 2004 nang itatag nito ang Blas F. Ople Policy Center. —sa panulat ni Lea Soriano

About The Author